INABSUWELTO ni Pangulong Rodrigo Duterte si Transportation Secretary Arthur Tugade sa aberyang idinulot sa publiko ng minadaling pagpapatupad ng radio frequency identification (RFID) cashless payment sa tollways.
Habang si Health Secretary Francisco Duque ay muling ‘pinayongan’ ng Pangulo nang ibisto ni Senator Panfilo Lacson na nabigong magsumite ng mga kaukulang dokumento sa Pfizer kaya hindi nasungkit ng Filipinas ang 10 milyong bakuna mula sa pharmaceutical company sa susunod na buwan.
Sa kanyang public address kagabi, pinagmumura ni Pangulong Duterte ang mga opisyal ng Toll Regulatory Board (TRB) at nagbantang sisibakin sila at papalitan ng isang retiradong opisyal ng militar kapag nagpatuloy ang kapalpakan sa RFID system.
Katuwiran ng Pangulo, kagyat na ipinatupad ng TRB ang RFID system kahit hindi sinubukan muna o hindi dumaan sa trial period.
“Mayroon tayong regulator. Ang problema ang mga regulator is another set of incompetent people. They should not have allowed the system right now to put into use without a trial run — trial — about one week — at titingnan nila and anticipate what would be the problem,” sabi ng Pangulo.
Nagalit ang Pangulo sa ilang incompetent TRB officials dahil nagmukhang inutil ang kanyang administrasyon bunsod ng prehuwisyong idinulot ng palpak at minadaling implementasyon ng cashless toll payment .
Si Tugade ang naglabas ng Department Order 2020-012 na nag-utos ng mandatory RFID/ cashless payment kahit kapos sa paghahanda at hindi pa integrated ang RFID system ng private toll corporation operators.
Ang pahayag kagabi ng Pangulo laban sa mga opisyal ng TRB ay kabaligtaran ng pagtatanggol sa kanila ni Presidential Spokesman Harry Roque noong nakalipas na linggo at ang sinisi ay private toll corporation operators.
Inutusan si Duque ni Pangulong Duterte na magpaliwanag sa publiko sa isyu ng Pfizer vaccine.
Ayon kay Roque sa press briefing kahapon, kombinsido ang Pangulo na walang nagawang “major lapse” si Duque dahil tuloy pa rin ang negosasyon ng Filipinas sa Pfizer.
Ilang beses na rin ipinagtanggol ng Pangulo si Duque laban sa mga kritisismo sa paghawak nito sa CoVid-19 pandemic sa bansa.
(ROSE NOVENARIO)