KASALUKUYANG naghahatid ng tulong ang tanggapan ni Davao 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa People’s Park, Davao City ngayong araw.
Tinatayang lagpas sa 23,000 ang matutulungang displaced workers at mangingisda sa programa nito sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Kasabay ng Livelihood Caravan ang libreng drug-test mula sa PDEA na naghihikayat ng malinis na pamumuhay para sa mga mamamayan.
“Kahit sa umpisa pa lang po, bago pa man ang presidente, numero uno nang problema ang droga sa bansa. Sanhi ng korupsiyon at kasiraan ng mga pamilya. Ito ang bagay na dapat ipagpatuloy at mas pagtibayin pa upang tuluyang maging maayos ang bansa. Maayos na mamamayan at pagpuksa sa droga ang tanging solusyon,” pahayag ng mambabatas.
Nauna na rin namahagi ng tulong ang mambabatas sa ilang libong displaced workers mula sa hotels at samahan ng mga musikero sa Davao City upang makatulong sa kanilang pamilya.
Ang livelihood program ngayon ay sinabayan ng free drug-testing na idinaan sa PDEA bilang suporta sa kampanyang “Pangulong Rodrigo Duterte Laban sa Droga.”
“Ang aking tanggapan po ay sadyang naglaan ng budget para sa ginawang drug-testing, at tayo ay nagpatulong sa PDEA upang tama at mabilis ang drug-testing sa mga nagnanais magpa-test,” dagdag ng mambabatas.