ISA si Jairus Aquino sa hindi umalis ng Star Magic sa loob ng 14 years at ipinakita niya ang kanyang loyalty kahit nagsara na ang ABS-CBN dahil hindi nabigyan ng bagong prangkisa.
“Siguro ang isa na rin pong dahilan ay wala po akong offer. Wala rin namang offer pa sa iba kaya nandito pa rin ako sa kanila. At saka bilang ano na rin po respeto sa network na I’ve been with for more than 14 years na rin so parang respeto na lang din po.
“Pero siyempre, at the end of the day kapag kailangan na talaga, kailangan na, kasi hindi naman po tayo habang buhay, eh, magiging okey sa ganito kasi siyempre may mga pangangailangan po tayo, ‘di ba,” paliwanag ng aktor.
Hanggang 2021 pa ang kontrata niya sa Star Magic kaya natanong kung may na-invest siya sa loob ng 14 years niyang pananatili sa ABS-CBN.
“Well, honestly speaking medyo not as much as other actors in ABS-CBN na mayroon, ‘di ba? Natutulungan nila ako for almost 14 years na makabili ng mga sasakyan, matulungan ‘yung sarili ko and stuff like that. Pero para sa mga nangyayari ngayon, kung magla-last ako for a year medyo hindi na.
“Kung ako lang po ah, like sa akin lang kasi si daddy may work at si mommy may business naman. Pero kung ako lang, hindi na aabot. Hindi naman ako magastos, talagang hindi lang din talaga kakasya kung ang pagbabasehan ay sa suweldo na mayroon ako ngayon,” pagtatapat ni Jairus.
Inamin ding nagkaroon siya ng anxiety.
“Mayroong ganoon, pero kasi I lean more on everything will be alright. At saka mas kaya kong panghawakan ‘yung kung may ibibigay naman sila kaya ko namang gampanan.
“Actually, before naman po talaga ng pandemic may anxiety na ako, parang umaano na siya. Pero siyempre dahil busy, may work, so nada-divert ‘yung atensiyon mo and okey siya. Kumbaga, nag-a-attack lang siya ‘pag sobrang problemado, pero ngayon, noong pandemic talaga roon nag-start na mag-trigger siya nang mas madalas.
“Tapos ‘yung mga nangyari pa sa ABS (CBN). Nandiyan na ‘yung sleepless nights, andiyan na ‘yung biglang hindi makahinga. Mayroon pang time na nagdi-dinner lang kami ng family ko, tapos na akong mag-dinner pero pagtayo ko nag-brownout lang tapos boom nag-trigger na ‘yung anxiety. Feeling ko nagsara bigla ‘yung buong mundo ko tapos hindi na ako makahinga,” pag-amin nito.
Sobrang pag-iisip ng mga problema ang dahilan ng anxiety attacks ni Jairus bukod pa sa sobrang pagod at noong 2019 ng December ay nag-seek siya ng advice sa doktor.
“Walang formal one-on-one with the doctor pero may tinatawagan akong doctor na nangungumusta lang sa akin. Tapos kunwari kung may nararamdaman ako tatawag ako sa kanya kung ano ang puwede kong gawin. Pero wala pong pormal na consultation talaga,” kuwento ng binata.
Nasabay pa ang paghihiwalay nila ng karelasyon niya na tumagal ng mahigit isang taon.
“Things happen life happens. ‘Yon lang po kaya kong sagutin talaga. Parang kumbaga, ‘yung mga ibang dahilan is bilang respeto na lang din sa kanya at doon sa relationship.
“Siyempre kahit ano namang nangyari may magandang pagsasamahan naman kayong nabuo, so let’s keep it that way para wala nang ibang maisip ‘yun mga tao,” saad ni Jairus.
Abala si Jairus sa promo ng pelikulang Suarez: The Healing Priest na idinirehe ni Joven Tan na entry ng Saranggola Media Productions sa 2020 Metro Manila Film Festival na ipalalabas sa December 25 sa Upstream.ph.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan