HINDI na muling makikipagmabutihan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga rebeldeng komunista dahil takot siyang ma-impeach o mabaril ng pulis at militar.
Tuluyan nang tinuldukan ni Pangulong Duterte ang peace talks ang gobyerno sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) hanggang matapos ang kanyang administrasyon sa 2022.
Ikinatuwiran niya na hindi niya kayang pumasok sa isang coalition government na nais ng komunistang grupo.
“I cannot compromise anything in this government. It’s either I will be impeached or the military and the police will shoot me. Mamili lang ako sa dalawa riyan. Ipapasubo mo ang Republic of the Philippines, papatayin ka talaga because you are a traitor of your country,” aniya sa public address kagabi.
“And if I give you a power to share in the — a power-sharing, that’s a very, very serious thing. You can get assassinated for it. Hindi na maghintay because sinisira mo ‘yung Republika ng Pilipinas. Simple as that. So for all intents and purposes, I would say a ceasefire is dead and there is no… The peace talks between the NDF, NPA pati ‘yung — isali na lang natin ‘yung legal fronts nila, NPA, NDF pati kayong lahat,” dagdag niya.
Inulit niya ang pagtaguri kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate bilang isang komunista at sa iba pang umano’y legal fronts ng CPPA-NPA-NDF.
Nauna nang itinanggi ng Makabayan bloc ang red-tagging sa kanilang grupo na anila’y paraan lamang upang siraan sila at ang mga miyembro ng oposisyon para sa halalan sa 2022. (ROSE NOVENARIO)