ARESTADO sa inilunsad na “Operation Hammer” ang 12 sabungero sa magkahiwalay na raid sa mga lalawigan ng Pampanga at Nueva Ecija sa pinaigting na kampanya kontra ilegal na sugal ng PRO3-PNP sa pamumuno ni P/BGen. Valeriano “Val” de Leon kamakalawa, 1 Disyembre.
Sa Pampanga, nasakote ang pitong sabungero at nakompiska ang ilang kahong naglalaman ng mga Texas na panabong maging ang perang taya, ng mga raiding team ng Magalang Municipal Police Station at 1st Mobile Force ng Pampanga Provincial Police Office sa pamumuno ni P/Col. Andres Simbajon, Jr., sa Barangay San Jose, sa bayan ng Magalang.
Nalambat din ng mga tauhan ni P/Lt. Col. Marvin Joe Saro, hepe ng Nueva Ecija PNP, ang limang mga suspek sa akto ng pagsasabong dakong 2:30 pm noong Martes, sa lungsod ng San Jose, na kinilalang sina Bobby Solis, 31 anyos, residente ng lungsod ng Cabanatuan; Ricky Abella, 45 anyos; Orlando Caballar, 45 anyos; Nelson Lamson, 18 anyos; at George Mejica, 29 anyos, pawang mga residente sa lungsod ng San Jose.
Samantala, nakatakbo ang tatlong kasamahan ng mga suspek na sina Arnold Lawagan, Alvin Barahama, at Rolan Urbano, pawang mga taga-lungsod ng San Jose.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang P3,500 bet money, at 10 Texas na manok panabong.
Inihahanda ang kasong paglabag sa RA 1602 laban sa mga suspek na nasa kustodiya ng mga iba’t ibang custodial facility sa Pampanga at Nueva Ecija. (RAUL SUSCANO)