NANINIWALA ang Makabayan bloc na ang tahasang red-tagging na ginawa sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte ay may layuning pilayan sila upang patahimikin sa aktibong papel bilang mga mambabatas sa Kongreso.
“Pilit kaming pinipilayan to silence us especially in our active role bilang mga mambabatas sa loob ng Kongreso,” pahayag ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate.
Ang Makabayan bloc ang pangunahing bumusisi sa panukalang budget ng administrasyon para sa susunod na taon at bumatikos sa P16.6 bilyong pondo ng National Task Force to End Local Comjunist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na tinaguriang ‘generals’ pork barrel.’
Muling iginiit ng Makabayan bloc sa Kamara na hindi sila komunista at legal front ng NPA.
Ani Zarate, ang ginagawang red tagging sa kanila ay upang pagtakpan ang anila’y mga kapalpakan sa pagtugon sa mga problemang kinakaharap ng bansa.
Ginagamit din aniya ng administarsyon ang pagkamatay ng anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat sa enkuwentro ng militar at New People’s Army (NPA) para bigyang katuwiran ang paratang laban sa kanila.
“‘Yan ay aming matinding kinokondena, kahit na ang kamatayan ng anak ng isa naming kasamahan ay pilit na ginagamit sa propaganda ng administrasyong Duterte para lang mabigyang justification ang kanilang reckless and sweeping red-tagging and terrorist tagging,” diin ni Zarate.
Gagamitin aniya itong basehan ng pamahalaan sa susunod na eleksiyon upang ma-disqualify sila sa partylist system at tawaging mga terorista.
Para kay Alliance of Concerned Teachers (ACT) Rep. France Castro parang lasing na nagsasalita si Pangulong Duterte at kung ano-ano ang pinagsasabi na walang basehan.
“Itong mga statement ni President Duterte, hindi namin idi-dignify ito pero dahil sa mga walang basehan, parang lasing na nagsasalita na kung ano-ano na naman ang pinagsasasabi na walang basehan,” ayon kay Castro.
“Patunay lang ito na si President Duterte ang hari ng red-tagger at siya ‘yung talagang nagpapalakas ng loob dito sa mga militar, mga PNP (Philippine National Police) at iba pang sektor ng national security forces para roon sa ginagawa nila ngayon na patuloy na red-tagging sa Makabayan bloc,” aniya.
Kaugnay nito, tinawag ng LFS tinawag na red-tagger-in-chief si Pangulong Duterte.
“May dugo sa mga kamay ni Duterte at siya ang dapat sisihin at may pananagutan sa lahat ng paglabag sa karapatang-pantao at war crimes dahil sa kanyang mga utos!” sabi ng grupo sa kanilang kalatas. (ROSE NOVENARIO)