PIPIRMAHAN ngayon ang tripartite agreement para sa pagbili ng Filipinas ng bakuna kontra CoVid-19 sa AstraZeneca sa United Kingdom.
Sinabi ni National Task Force Against CoVid-19 chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez, Jr., ang kasunduan ay para sa inisyal na pagbili ng dalawang milyong doses ng bakuna.
“This coming Friday pipirma po tayo ng tripartite agreement na kung saan tayo po ay makabibili ng dalawang milyong doses ng bakuna mula sa AstraZeneca ng United Kingdom. Kasama po natin ang pribadong sektor na nag-donate nito,” ani Galvez.
Mura at 90 porsiyentong epektibo umano ang bakunang gawa ng AstraZeneca.
Ngunit hinimok pa rin ni Galvez ang publiko na sumunod pa rin sa health protocols kontra CoVid-19 gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, paghuhugas ng kamay, at isang metro ang layo sa bawat isa.
Nauna nang inamin ni Galvez na aabutin ng tatlo hanggang limang taon bago matapos ng pamahalaan ang pagbabakuna sa target na 60 milyong Filipino.
Ayon kay Galvez, dalawa hanggang 30 milyong katao lamang ang kayang mabakunahan kada taon.
Target ng pamahalaan na mabakunahan ang 60 milyong Filipino para magkaroon ng herd immunity.
Sinabi ni Galvez, sa katapusan ng 2021 o sa 2022 pa maaaring masimulan ang pagbabakuna.
Kabilang aniya sa hamon na haharapin ang supply at demand sa bakuna at storage facility.
Bukod sa AstraZeneca, nakikipagnegosasyon na rin ang Filipinas sa kompanyang Sinovac sa China at Pfizer sa Amerika para sa karagdagang bakuna. (ROSE NOVENARIO)