NAKATANGGAP ng sermon at babala mula kay PRO3 Director P/BGen. Valeriano “Val” De Leon ang mga pasaway na miyembro ng pulisya sa Central Luzon na maituturing na ‘anay’ sa kanilang hanay at tiniyak na may kalalagyan sa patuloy na pagpapatupad ng PNP Internal Cleansing sa rehiyon.
Aabot sa 3,356 kasong administratibo ang naisampa laban sa 5,118 pulis sa rehiyon, na ang 677 dito ay Police Commissioned Officers, at 4,441 ang Non-Commissioned Officers, magmula taon 2016 hanggang sa kasalukuyan 2020.
Sa talaan ng PRO3 Discipline Law and Order Section (DLOS), ang naatasang unit na nagpapataw ng parusa sa mga pulis na may kaso, may 410 ang suspendido, 42 ang ibinaba ang ranggo, lima ang tumiwalag sa serbisyo, at 3978 ang naabsuweltong pulis matapos mapatunayang wala silang partisipasyon sa asuntong inihain laban sa kanila.
Matapos sermonan ni De Leon ang buong hanay, ininspeksiyon ang lahat ng mga opisina sa loob ng Regional Headquarters at PRO3 quarantine facility sa Camp Olivas, sa lungsod ng San Fernando, lalawigan ng Pampanga, upang tiyaking naipatutupad ang minimum safety health protocol upang maiwasan ang pagkalat ng CoVid-19.
Sa kasalukuyan, 443 PRO3 personnel ang nagpositibo sa CoVid-19 test, 21 ang aktibo pang kaso habang 442 ang gumaling at walang naiulat na binawian ng buhay. (RAUL SUSCANO)