PURING-PURI ni Direk Joel Lamangan ang producer niyang si Harlene Bautista ng Heaven’s Best Entertainment Production dahil hands on sa buong pelikula.
“Hindi lang siya producer, siya ay creative producer, siya ay hindi lamang nagbibigay ng pera, tumitingin din sa artistic quality ng production kaya sana lahat ng producer ay maging katulad ni Harlene Bautista,” papuri ng direktor ng Isa Pang Bahaghari na kasama sa 10 pelikulang mapapanood sa 2020 Metro Manila Film Festival simula Disyembre 25 hanggang Enero 8, 2021.
Ang ganda naman ng ngiti ni Harlene sa ginanap na virtual mediacon ng MMFF 2020 announcement para sa 10 pelikulang mapapanood.
“Direk, maraming salamat. Of course excited na kami na maipalabas itong ‘Isa Pang Bahaghari’ na sabi nga ni direk Joel na last year ay nag-try isali (MMFF2019) pero hindi napasama, kaunting puntos lang. Sumubok kami for ‘Summer MMFF 2020,’ nagkaroon naman ng pandemya and sigurado naman ako at nagpapasalamat sa pagkakataong ito na mapapanood na po.
“Sa tanong kung ano ang pakiramdam na sa online siya mapapanood at hindi sa traditional cinemas, in a way I agree with direk Joel na talagang ang pelikula ay masarap enjoyin sa madilim na sinehan kasama ang mga mahal sa buhay, maganda ang tunog, malakas, malamig.
“But since ito ang first time na ganitong platform maipalalabas in a way nakatutuwa rin lalo na sa fans ni Ms Nora Aunor kasi globally mapapanood na siya, hindi na nila kailangang maghintay sa cable, sa ibang mga paraan. Sabay-sabay sa buong mundo mapapanood nila ang kanilang idolo,” pahayag ng prodyuser/aktres at direktor.
Sabi kasi ni direk Joel ay hindi niya alam kung mae-enjoy niya ang online kahit na nanonood siya ng Netflix.
“Hindi ko alam kung nae-excite ako sa online kasi gusto ko may teatro kasi iyon ang kinalakhan ko, hinahanap-hanap ko ang dilim ng isang teatro nagsasama-sama ang mga taong hindi nagkikita-kita. Hindi ko alam ang online, ngayon lang ako makararanas ng online!” say ng direktor.
Dahil kasi sa Covid19 pandemic kaya sa online platforms mapapanood ang 10 pelikulang kasama sa MMFF 2020 sa pakikipagtulungan ng Globe at GMovies sa halatang P250 at mapapanood ito worldwide.
Kasama sa Isa Pang Bahaghari sina Phillip Salvador, Zanjoe Marudo, Fanny Serrano, Joseph Marco, Sanya Lopez, at Michael De Mesa.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan