UMABOT sa 20 kataong lumabag sa iba’t ibang uri ng batas ang nadakip sa pinaigting na kampanya kontra krimen ng PRO3 PNP nitong Sabado, 21 Nobyembre, sa lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga.
Batay sa ulat mula sa tanggapan ni P/BGen. Valeriano “Val” De Leon, nasakote ang mga suspek na kinilalang sina alyas Eman, miyembro ng Bahala Na Gang, alyas Soy, isang jeepney driver; at alyas Kevs, pawang mga residente ng Madapdap Resettlement Center sa naturang lungsod, na pinagkasahan ng anti-narcotics operations ng pinagsanib na puwersa ng 2nd PMFC, PAF, at drug enforcement unit ng Mabalacat PNP sa pamumuno ni P/Lt. Col. Rossel Cejas.
Samantala, arestado rin sa hiwalay na operasyon ang suspek na kinilalang si Carl Adrian Dizon, isang menor de edad, residente sa 12-S St., 2nd Gate, Mawaque Resettlement, Sapang Biabas, sa parehong lungsod, dahil sa paglabag sa Section 11 ng RA 9165.
Nadakip din ang 16 indibiduwal na pawang walang suot na facemask, malinaw na paglabag sa safety health protocol ayon sa probisyon ng Provincial Ordinance No. 756 na mahigpit na ipinatutupad upang masugpo ang pagkalat ng CoVid-19 sa lalawigan ng Pampanga. (RAUL SUSCANO)