NAKORYENTE si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa pahayag na sumakay sa C-130 plane si Vice President Leni Robredo para mamigay ng relief good sa Catanduanes kamakailan.
Mismong si Defense Secretary Delfin Lorenzana ay humingi ng paumanhin kay Robredo dahil sa maling ulat na sumakay siya ng C-130 plane ng Philippine Air Force patungong Catanduanes.
Nauna nang tinawag ni Robredo na fake news ang sinabi ni Panelo na sumakay siya kasama ng relief goods at ipinamudmod sa Catanduanes na animo’y galing sa kanya.
Paliwanag ni Lorenzana, hiniling niya sa PAF na kompirmahin sa kanilang flight manifest ang tinukoy na flight ni Robredo at base sa ulat ng PAF, walang pagkakataon na sumakay ang Bise Presidente sa anomang military aircraft sa pagpunta ng Catanduanes.
Sa halip, nakasaad sa flight manifest, na lumipad ang Huey helicopter lulan ang relief goods mula sa opisina ni Robredo sa Legazpi City, Albay papunta sa Catanduanes noong 3 Nobyembre. (ROSE NOVENARIO)