SINISI ng isang peasant group ang talamak na black sand mining, isa sa dahilan ng dinanas na “worst flood” sa Cagayan at Isabela sa pananalasa ng bagyong Ulysses.
Ayon sa grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) bukod sa black sand mining, talamak din ang illegal at legal logging sa lalawigan kaya hindi na nakapagtataka na ngayon ay nararanasan ang epekto nito.
Wala umanong dapat sisihin sa paglubog ng Cagayan at Isabela kundi ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagbigay ng permit sa ganitong operasyon na may pag-aproba din mula sa lokal na pamahalaan kapalit ng malaking kita.
Sinabi ni KMP President Danilo Ramos, matagal nang ipinanawagan ng mga mangingisda ang dredging sa Cagayan River ngunit hindi ito binibigyang pansin at ngayong bumaha saka nakita ang kalagayan kaya ipinag-utos ang dredging sa 30-kms Cagayan River.
Hiniling ng grupo na kasabay ng gagawing dredging ay magkaroon ng batas para sa tuluyang pagbabawal ng black sand mining gayondin ang logging.
Ang black sand mining ay itinuturing na legal kapag naisyuhan ng permit dahil wala pang batas na ipinagbabawal ito. Tanging ang limitasyon sa Mining Act na hindi dapat gawin ang dredging sa reservoirs at protective areas.
Dahil sa epekto nito sa kalikasan, naghigpit ang Mines and Geosciences Bureau sa pag-iisyu ng permit simula pa noong 2014 na nagresulta sa ilegal na black sand mining.
Inamin ni Ramos, bagamat naghigpit sa black sand mining ay marami pa rin silang nakikitang Chinese vessels na nagsasagawa nito at ikinukubli ang ilegal na operasyon sa dredging.
Ibinunyag nito na mismong mga kawani ng LGUs ang kanilang nakikitang nagbabantay sa Chinese vessels.
Sinasabing nasa US$5o milyon o P2.6 bilyon kada buwan ang kinikita ng mga contractor sa Black sand mining sa Cagayan.
Ang black sand ay ginagamit na stabilizer sa concrete at steel products gayondin sa mga alahas at cosmetics manufacturing.
Isa ang Hong Kong sa bansang may malaking pangangailangan sa black sand.
Bagamat malaki ang kita sa black sand ay malaki naman ang epekto nito sa kalikasan pangunahin sa pagkawala ng fishery resources, erosion ng lupa, at pagbaha, kaya sa inihaing Senate Bill 1075 ni Senator Leila de Lima, hinihiling niya ang total ban sa black sand mining.
Una nang ibinabala ni De Lima na ang Cagayan ay maaaring malubog sa baha sa loob ng 30 hanggang 70 taon bilang epekto ng black sand mining kung hindi ito tuluyang ititigil.
Sa mga nakalipas na taon ay nakapagsagawa na ang Kamara at Senado ng imbestigasyon ukol sa Black Sand Mining sa Cagayan ngunit wala naman naparusahan.
Apela ni Ramos sa liderato ni House Speaker Lord Allan Velasco, isama sa kanilang ginagawang House inquiry ang dahilan ng massive flooding na naranasan noong bagyong Ulysses, ang usapin ng illegal logging, illegal mining at black sand mining.
Giit ng KMP, kung hindi isasama ang illegal na mining at logging sa imbestigasyon ng Kamara, mababalewala lamang at lalabas na moro-moro ang House inquiry dahil hindi mareresolba ang ugat ng problema sa Cagayan.
“Comprehensive investigation ang dapat gawin ng Kamara, dapat matapang nilang silipin ang mga nasa likod ng illegal logging at black sand mining na talamak sa Cagayan, dahil ito ang problema at dahilan ng paglubog ng lalawigan,” pagtatapos ni Ramos.