INUGA ng magnitude 6 lindol ang bayan ng San Agustin, lalawigan ng Surigao Del Sur nitong Lunes ng umaga, 16 Nobyembre.
Naunang iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na magnitude 6.4 ang tumama sa naturang bayan ngunit kalaunan ay nirebisa sa magnitude 6.
Ayon sa Phivolcs, tectonic ang lindol na tumama 11 kilometro sa hilagang kanlurang bahagi ng San Agustin dakong 6:37 am, at may depth of focus na 33 kilometro.
Naramdaman ang iba’t ibang lakas ng pagyanig sa mga sumusunod na lugar:
Intensity V – lungsod ng Bislig, Surigao del Sur; bayan ng Rosario, Agusan del Sur;
Intensity IV –lungsod ng Tandag; mga bayan ng Bayabas, at Cagwait, Surigao Del Sur;
Intensity III – lungsod ng Cagayan de Oro; mga bayan ng Tagaloan, Villanueva, at Balingasag, Misamis Oriental;
Intensity II – lungsod ng El Salvador, mga bayan ng Initao, Luagit, at Manticao, Misamis Oriental; bayan ng Virac, Catanduanes;
Intensity I – lungsod ng Iligan.
Samantala, naiulat ang mga pinsala sa ilang establisimiyento at isang parokya sa bayan ng Hinatuan, sa lalawigan ng Surigao del Sur.
Naglabas sa kanilang Facebook page ang Parokya ng San Agustin sa Hinatuan ng mga larawan ng mga nasirang kisame at sahig dahil sa lindol.