HINIHINALANG namatay ang isang 21-anyos estudyante ng senior high school sa lungsod ng Zamboanga, dahil sa initiation rites ng isang fraternity noong Linggo, 15 Nobyembre.
Kinilala ang biktimang si Joselito Enviado, residente sa Sarangani Drive, Barangay San Jose Guzu, sa naturang lungsod, at Grade 12 student ng Zamboanga City National High School West.
Idineklarang dead on arrival si Enviado sa Zamboanga City Medical Center (ZCMC) matapos dalhin nang himatayin sa gitna ng initiation rites ng Tau Gamma Phi (TGP) fraternity, Trigusu Chapter.
Ayon kay Police Region Office – Zamboanga Peninsula Director P/BGen. Jesus Cambay, Jr., isa si Enviado sa anim na neophyte na sumailalim sa initiation dakong 10:00 am noong Linggo, sa bahay ng isang miyembro ng TGP sa Barangay San Jose Guzu.
Nabatid na hinimatay ang biktima habang pinapalo siya ng paddle sa initiation rites.
Dinakip ang hindi bababa sa siyam na opisyal at mga miyembro ng TGP-Trigusu chapter, habang nakompiska sa kanila ang isang paddle.
Samanatala, kusang sumuko ang apat na iba pang miyembro ng fraternity na natukoy na nasa initiation rites sa Zamboanga City Police Office.
Kinilala ang mga sumukong miyembro ng TGP na sina Reymark Paler, 27 anyos; Wendell Cartalaba, 23 anyos: Ruvec Cartalaba, 20 anyos; at Joseph Villarez, 35 anyos, pawang mga residente sa Doña Martha drive, sa nasabing barangay.
Ipinag-utos ni Zamboanga City Mayor Maria Isabelle Climaco sa pulisya na magsagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa hinihinalang insidente ng hazing na naging sanhi ng kamatayan ni Enviado.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa lokal na police custodial facility habang inihahanda ang kasong homicide at paglabag sa RA 11053 o Anti-Hazing Act of 2018 na isasampa laban sa kanila.