TINIYAK ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go na lahat ng asset ng gobyerno ay nakakalat o naka-mobilize para magresponde sa mga apektado ng bagyo at pagbaha upang magbigay ng tulong at saklolo.
Kasama ni Pangulong Rodrigo Duterte si Sen. Go na bumisita sa Cagayan para tingnan ang pinsala ng baha at para matukoy ang mga pangangailangan ng mga residente.
Ang opisina ko naman ay tuloy-tuloy ang pag-iikot at paghahatid ng immediate assistance. Pagkatapos magbigay ng tulong sa Catanduanes, kasalukuyang nasa Albay na sila upang magresponde sa mga pangangailangan doon,” dagdag ng senador.
Pupuntahan at magbibigay rin ng tulong ang tanggapan ni Senator Go sa iba pang lugar sa Bicol, Southern Luzon, NCR at northern Luzon.
Tiniyak ni Go, hindi iiwan ng pamahalaan ang lahat ng biktima ng bagyo at baha.
“Sisiguradohin natin na walang maiiwan na Filipino. Hindi namin kayo pababayaan,” anang Senador.
Samantala, pinangunahan din ni Sen. Go ang virtual launch para sa ika-91 Malasakit Center na itinatag sa Antique nitong Biyernes, 13 Nobyembre.
Itinatag ang Malasakit Center sa Angel Salazar Memorial General Hospital sa capital town ng San Jose de Buenavista sa Antique province. Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop para sa medical assistance mula sa gobyerno. Ito ang kauna-unahan sa Antique at ika-anim naman sa Western Visayas.