KASABAY ng ambush na ikinamatay ng 62-anyos mamamahayag na si Virgilio Maganes, sa Villasis, Pangasinan, binawian din ng buhay ang isang
dating news writer at kasalukuyang hepe ng human resource department ng lokal na pamahalaan ng San Jacinto, sa lalawigan ng Pangasinan, nang barilin ng hindi kilalang suspek nitong Martes din ng umaga, 10 Nobyembre.
Kinilala ni San Jacinto Police chief P/Maj. Edgar Allan Serquina ang biktimang si Ofelia Castillo, 56 anyos, residente sa Barangay San Jose, sa naturang bayan.
Nagtatrabaho si Castillo bilang hepe ng Human Resource (HR) department ng munisipyo, at dating news writer sa lokal na himpilan ng radyo sa Pangasinan.
Ayon kay Serquina, papasok sa trabaho ang biktima dakong 8:30 am kamakalawa, sakay ng tricycle na minamaneho ng kaniyang anak, nang sundan sila at barilin ng hindi kilalang lalaki na sakay ng isang scooter.
Tumama sa ulo ng biktima ang isa sa dalawang bala mula sa pinaputok ng suspek.
Agad dinala si Castillo sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival.
Dagdag ni Serquina, tumakas ang suspek patungo sa mga bayan ng Manaoag at Pozorrubio.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang pinangyarihan ng krimen at mga kuha ng CCTV sa lugar.
Wala rin suspetsa ang mga awtoridad kung ang pagpaslang kay Castillo ay may kaugnayan sa ambush kay Maganes.
Sina Castillo at Maganes, ay kapwa biktima ng pamamaslang nitong Martes ng umaga, 10 Nobyembre sa mga bayan ng San Jacinto at Villasis na pinagigitnaan ng mga bayan ng Manaoag at Urdaneta.
Sa ikalawang pagkakataon, hindi ‘nalinlang’ ni Maganes ang kamatayan, nang muling inambus habang papasok sa kaniyang residential compound sa Sitio Licsab, Barangay San Blas, sa bayan ng Villasis, lalawigan ng Pangasinan, noong umaga ng 10 Nobyembre.
Anim na beses binaril ng mga suspek ang biktima habang papasok sa kanilang compound sa nabanggit na lugar.
Sa ulat mula sa Bombo Radyo Dagupan, agad binawian ng buhay si Maganes sanhi ng tama ng bala ng baril sa kaniyang ulo.
Si Maganes ay isang commentator para sa radio station na dwPR at kolumnista sa Northern Watch, isang weekly newspaper.
Eksaktong apat na taon at dalawang araw, muling inulit ang pagtatangka sa buhay ni Maganes na unang naganap noong 8 Nobyembre 2016.
Nakaligtas si Maganes sa tangka sa kaniyang buhay noon sa pamamagitan ng pagpapanggap na patay nang barilin siya sa sinasakyang tricycle ng riding-in-tandem.
Hindi kalayuan sa pinangyarihan ng krimen noong 2016, may natagpuang karatulang may nakasulat na, “Drug pusher huwag pamarisan,” na pinaniniwalaang estratehiya upang mailigaw ang atensiyon sa totoong motibo ng pagtatangka sa buhay ni Maganes.
Ika-18 si Maganes sa mga pinaslang na mamamahayag sa ilalim ng administrasyong Duterte at pang-190 simula noong 1986.