NATAWAG ang aming pansin niyong statement ni Gina Alajar na nagsabing nag-aalala siya sa kanyang mga apo dahil sa nakikita niyang maaaring mangyari sa hindi malayong hinaharap. May nasabi pa nga siyang kung maaari nga lang huwag nang madagdagan pa ang kanyang mga apo dahil hindi niya alam kung ano ang mararanasan ng mga iyon sa mga pagbabago ng takbo ng buhay.
Ok na raw ang kanyang mga apo sa ngayon, dahil baka bago dumating ang mga biglang pagbabago ay malalaki na iyon at maiintindihan na nila ang mangyayari, “o malalaman na nila kung saan sila tatakbo.”
Mukhang hindi basta mga problema lamang ang kinatatakutan ni Gina na maaaring mangyari. Mukhang nakararamdam na rin siya ng tinatawag ngang “doomsday phobia.” Marami ang nakakaramdam niyan, lalo na nga ang mga nagkaka-edad na. Noong araw dahil sa aming exposure sa kung ano-anong kuwento, kabilang na ang mga hula at ang sinasabing Fatima secrets, nagkaroon din kami ng ganyang phobia. Kinatakutan namin ang isang araw na magising kaming katapusan na pala.
Pero ang Biblia rin ang bumago sa aming paniniwala dahil maliwanag namang sinasabi (Rev. 21:8) na iyon ay mangyayari sa “mga matatakutin at walang pananampalataya, mga mamamatay tao at mapag-gawa ng kahalayan, mga magnanakaw at mapaggawa ng masama,” at kung hindi at nabubuhay ka sa pananampalataya, wala kang dapat katakutan.
May mga natatakot sa hinaharap, dahil hindi nga natin tiyak kung ano ang mangyayari. Maaaring magkaroon ng mas malakas na bagyo. Maaaring magkaroon ng malakas na lindol kagaya ng sinasabi nilang maaaring mangyari sa Metro Manila. Maaaring magkaroon ng isa pang pandemya. Pero kung tayo ay umaasa at sumasampalataya sa kabutihan ng Diyos, wala tayong dapat ipag-alala.
Ed de Leon