NAHULIHAN sa isang anti- criminality operation ang isang negosyante na dinakip ng mga awtoridad makaraan umanong mahulihan ng baril at hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P115,000 sa Taguig City, nitong Martes ng gabi.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 11332,RA 10591 (Comprehensive of Firearm and Ammunitions Regulatory Act) at RA 9165 (Comprehensive Dangeous Drugs Act of 2002) ang suspek na si Kaharudin Edon, alyas Datu, 27, may asawa, businessman, ng Road 18, Roldan Street, Barangay New Lower Bicutan, Taguig City.
Sa ulat ni P/SSgt. Daryl Genetia, imbestigador, Martes ng gabi nang nagsagawa ng anti-criminality operation ang mga tauhan ng Intelligence Section ng Taguig Police.
Dakong 10:30 pm nahuli ang suspek sa Road 18, Purok 2, Roldan St., Barangay New Lower Bicutan sa nasabing lungsod.
Nakatanggap ng report ang mga pulis kaugnay ng presensiya ng suspected personalities na nag-display ng kanilang hindi lisensiyadong baril at nagsasagawa ng umano’y aktibidad sa ilegal na droga.
Nang puntahan ang lugar, nadatnan ng awtoridad ang suspek na hindi na nakasuot ng facemask at nakitang may nakasukbit na baril sa kanyang baywang kaya agad inaresto.
Nakompiska sa suspek ang isang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu, tinatayang nasa 17 gramo at ang halaga ay P115,600, maroon pouch, sling bag, isang caliber 9mm, M1911 A1 PS na may SN RIA 2017922, isang magazine, anim na bala, holster at isang HP laptop.
Dinala ang mga narekober na ebidensiya sa SPD Crime Laboratory upang suriin ng pulis.