NANAWAGAN si Sen. Grace Poe na paigtingin pa ang suportang mekanismo para sa mga ina sa gitna ng pandemya, dahil sa pagdoble ng kanilang pasanin sa loob ng tahanan na kailangan nilang gampanan ang tungkulin sa pamilya habang naghahanapbuhay.
“Ang mga nag-aaruga ay kailangan din ng pag-aaruga natin,” ani Poe sa ginanap na webinar na inorganisa ng Philippine Federation of Local Councils of Women.
Sa survey na isinagawa noong nakaraang buwan, natuklasang 7.6 milyong Filipino ang nakaranas ng involuntary hunger lalo sa hanay ng mga buntis at nag-aarugang ina.
“Batid natin ang mas sumidhing pag-asa natin sa mga kababaihan kaya’t palakasin natin ang ating suportang mekanismo para sa kanila,” dagdag ng senador.
“Ang pagiging maparaan at kasanayan sa pagbabanat ng buto ng mga kababaihan ang nagtawid sa maraming pamilya sa panahon ng lockdown at dapat itong papurihan at palakasin,” giit ni Poe.
Nagbibigay ang Republic Act No. 11148 o ang “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act” ng komprehensibong nutrisyon at healthcare program para sa mga buntis at mga bagong panganak na sanggol mula pagdilat hanggang 1,000 araw sa bawat barangay.
“Ang unang isang libong araw ay mahalaga dahil habang nagbubuntis ang mga ina, dito nabubuo ang kaisipan ng mga bata. Kaya dapat siguraduhin ng mga barangay health worker ang kanilang mga bitamina, at kung kulang sila ng pagkain ay tulungan,” ayon kay Poe, may akda at nag-sponsor ng naturang batas.
NIÑO ACLAN