NAKOMPISKA ng mga awtoridad ang hindi bababa sa 162 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P19 milyon sa ikinasang buy bust operation sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga, nitong Huwebes, 29 Oktubre.
Natagpuan ang 155 bloke ng marijuana at 16 vacuum-sealed tube sa loob ng kotse ng mga suspek na kinilalang sina Cris Ramos at Baby Girl Miguel, kapwa mga residente sa lalawigan ng Cavite.
Ayon kay P/Col. Joyce Patrick Sangalang, direktor ng Angeles City police, palusot ng mga suspek na binayaran sila upang ihatid ang mga kontrabando sa Pampanga at Bulacan.
Ikinasa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency at ng Angeles city police pasado 11:00 am sa Barangay Malabanias, sa nasabing lungsod.
Sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sina Ramos at Miguel sa Angeles City prosecutor’s office.