PROTEKTADO ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang karapatan ng bawat lesbians, gays, bisexuals, transgender, queers and intersex (LGBTQI) makaraang lagdaan ni Manila Mayor Fracisco “Isko Moreno” Domagoso ang ordinansa sa lungsod.
Layunin ng ordinansa na pagkalooban ng proteksiyon laban sa diskriminasyon sa sexual orientation, gender identity, expression (SOGIE) ang LGBTQI at patawan ng parusa ang lalabag dito.
Ang Ordinance 8695 na iniakda ni Konsehal Joel Villanueva, tinawag na “Manila LGBTQI Protection Ordinance 2020” ay nilagdaan ni Mayor Isko kasma sina Vice Mayor at Council Presiding Officer Honey Lacuna, Majority Floor Leader Joel Chua at President Pro-Tempore at Acting Presiding Officer Ernesto Isip, Jr.
Ayon kay Mayor Isko, protektado sa lungsod ang LGBTQI at walang magdurusa sa anomang anyo ng diskriminasyon at lahat ay magiging pantay sa ilalim ng batas.
Pahayag ng alkalde, sa naturang ordinansa ay mabibigyang proteksiyon ang LGBTQI sa workplace, paaralan, sa social media, at hindi makararanas ng pambu-bully.
Maghihigpit ang LGU sa pag-iisyu ng business permit sa mga negosyong gaya ng restaurants, bars, sinehan, shopping malls at iba pang katulad na establisimiyento, na sa loob ng tatlong taon ay kailangan magkaroon ng gender-neutral toilets sa loob ng comfort room.
Maaari umanong maghain ng kanilang reklamo ang LGBTQI sa mga barangay chairman kung saan sila nakatira.
Papatawan ng P1,000 multa o anim na buwan pagkabilanggo sa unang pagkakamali; anim na buwan hanggang walong-buwan pagkabilanggo sa ikalawang pagkakamali; at sa ikatlong pagkakamali ay walong buwan hanggang isang taon pagkabilanggo at multang P5,000.
Sa loob ng 60 araw, matapos maging epektibo ang ordinansa, ang MGSDC ay dapat bumuo ng ipatutupad na rules and regulations bilang gabay alinsunod sa isinagawang konsultasyon sa multi-sectoral groups at stakeholders, na kinabibilangan ng mga eksperto at kinatawan ng iba’t ibang sektor gaya ng civil society, LGBTQI, non-governmental organizations, LGBTQI organizations at community-based organizations.
BRIAN BILASANO