NOONG unang linggo ng Hulyo 2020, isang kabulabog natin ang biglang nangailangan na dalhin sa Hyundai North EDSA ang kanyang H100 dahil biglang hindi lumamig ang airconditioning unit nito sa loob ng sasakyan.
Ang kanyang H100 ay brand new kaya mas pinili niyang dalhin sa casa ng Hyundai mismo.
Ayon sa isang Service Advisor na nagpakilalang siya si Kimberly Delfin, kailangan raw linisin ang aircon ng sasakyan at sinabing kailangan niyang magbayad ng P20,000.
Dahil ginagamit niya sa delivery service ang kanyang sasakyan hindi na niya naisip na ipatingin pa ito o ikonsulta sa ibang mekaniko dahil gusto nga niyang mabilis na matapos.
Pero inabot pa ng isang linggo bago nagawa ang kanyang sasakyan. At nang balikan niya ito noong 16 Hulyo 2020 para kunin na, imbes P20,000 ang ibabayad niya pinadagdagan pa ng P4,000 dahil may ginawa pa raw silang ibang tests.
Nagtataka man na masyado na yatang lumaki ang gastos niya dahil sa aircon, e minabuti niyang magbayad na lang dahil kailangan nga niya sa kanyang negosyo ang sasakyan.
Heto na, pagkatapos ng isang araw, nawala na naman ang lamig ng aircon kaya ibinalik na namn niya sa Hyundai North EDSA. Ang sabi ng mekaniko, mayroon daw leak kaya iniwan na naman niya ang sasakyan na inabot na naman ng isang linggo bago nagawa.
Tinanong niya ang mekaniko kung ano ang sira, ang sabi ‘yung discharge hose umano, na sa kanyang pagkakaunawa ay under warranty pa dahil nga brand new ang kanyang H100.
Siyempre, iginiit ng kabulabog natin na dapat ibalik ang kanyang P24,000 dahil under warranty pa ang pagkasira ng kanyang sasakyan.
Pero ayaw nang ibalik ng Hyundai North EDSA ang kanyang P24,000.
Bukod doon, sa kanyang pagtatanong-tanong sa ibang branch/outlet ng Hyundai, nalaman niya na ang pagpapagawa ng aircon ay aabutin lamang ng P10,000 at hindi P24,000.
Dahil sa pagnanais na makabalik agad sa kanyang delivery service, walag kalaban-laban na tila ‘naholdap’ ng Hyundai North EDSA ang kabulabog natin.
Tsk tsk tsk…
Paging DTI, puwede bang pakiimbestigahan itong Hyundai North EDSA dahil sa ‘estilo’ nilang panghoholdap ng kanilang mga kliyente?!
Baka hindi lang ang kabulabog natin ang nabiktima ng Hyundai North EDSA. Baka marami pang iba!
Again, paging DTI!