ARESTADO ng mga awtoridad ang dalawang lalaki matapos ireklamo ng pangongotong sa isang residente sa bayan ng Calumpit, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles, 28 Oktubre.
Sa ulat na ipinadala ni P/Lt. Col. Ramil Santos, hepe ng Calumpit Municipal Police Station (MPS) kay P/Col. Lawrence Cajipe, Bulacan police director, kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Fetherson Delos Santos at Richard Mark Elbano.
Nahaharap ang dalawa sa kasong robbery extortion matapos maaresto sa inilatag na entrapment operation ng mga tauhan ng Calumpit MPS sa Barangay San Marcos, sa naturang bayan.
Lumilitaw sa imbestigasyon na hiniram ng suspek na si Richard Mark Elbano ang isang itim na Rusi motorcycle mula sa hindi pinangalanang biktima noong Linggo, 25 Oktubre.
Makalipas ang tatlong araw ay hindi nito naibalik ang motorsiklo kaya kamakalawa ay humingi ng tulong ang biktima sa kapatid ng suspek.
Dito niya nalaman na ang ang motorsiklo ay nasa pag-iingat ng isa pang suspek na si Delos Santos na pilit humihingi sa kanya ng P4,800 para maibalik ang nasabing sasakyan.
Nagsumbong ang biktima sa himpilan ng Calumpit MPS na agad naglatag ng isang entrapment operation na nagresulta sa pagkaaresto ng dalawang suspek.
Narekober ng pulisya sa dalawang suspek ang motorsiklo gayondin ang marked money na P4,800 na ipinain sa kanila sa operasyon.
MICKA BAUTISTA