NASABAT sa pitong tulak ang nasa P1.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu ng mga anti-drug operatives ng Parañaque at Taguig police sa pitong hinihinalang mga tulak ng ilegal na droga na nahuli sa magkahiwalay na buy bust operation nitong Miyerkoles.
Ayon sa ulat ng Parañaque Police Station, dakong 8:20 pm nitong Miyerkoles nang magkasa ang kanilang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng operasyon sa pangunguna ni P/Major Anthony Alising sa tapat ng isang bahay sa Ninoy Aquino Avenue, Barangay San Dionisio.
Hinuli ang mga suspek nang kumagat sa pain ng mga pulis sina Dima Sayaat, alyas Penda, 28, tubong Cotabato City; Sabrin Polindao, 32, tubong Cotabato, at Richard Buenvenida, 39, negosyante, tubong Roxas City dakong 8:20 pm.
Nasamsam sa kanilang posesyon ang 11 malalaking plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 170 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,156,000.
Nauna rito nahuli sa operasyon ng Taguig City Police Station – Drug Enforcement Unit sa PNR Site, FTI Compound, Barangay Western Bicutan, ang drug suspects na sina Armando Bagain, 37; Kevin Lunzaga, 28; Vincent Zabala, 28; at Gilbert Esquivil, 37, dakong 7:43 pm.
Anim na medium size plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 27 gramo ng shabu na may halagang P183,000, at isang P500 marked money na ginamit sa operasyon ang nakuha sa mga suspek.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga mga suspek.
JAJA GARCIA