TATLONG hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang 18-anyos ang inaresto nang makuhaan ng P238,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Angela Rejano ang naarestong mga suspek na sina Francisco Larry, 46 anyos, tricycle driver, ng C-4 Road, Barangay Longos; Rainier Cagumoc, 18 anyos, ng Barangay 18 Caloocan City; at Joan Tan, 38 anyos ng Kaunlaran St., Barangay Muzon.
Ayon kay Col. Rejano, isinagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/SSgt. Edison dela Cruz sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Adonis Sugui ang buy bust operation laban sa mga suspek sa Kaunlaran St., Barangay Muzon dakong 12:30 am.
Matapos tanggapin ng mga suspek ang P500 marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad silang dinakma ng mga operatiba.
Nakompiska sa mga suspek ang aabot sa 35 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P238,000 ang halaga at buy bust money.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek.
ROMMEL SALES