PINAALALAHANAN ng Pasay city government ang mga nais dumalaw sa puntod ng kanilang mahal sa buhay na 150 katao lamang ang pinapayang pumasok sa Pasay Public Cemetery and Crematorium.
Habang sa Sta. Clara de Montefalco cemetery ay 50 lamang ang maaaring pumasok nang sabay-sabay.
Layon nito na mapanatili ang health protocols sa loob ng mga nabanggit na sementeryo.
Nagpaalala rin si Pasay City Mayor Emi Rubiano sa pamunuan ng mga sementeryo sa lungsod na tiyaking nasusunod ang health protocols tulad ng pagsusuot ng masks at face shields, check ng temperatura ng mga dumadalaw at ang pagpapairal sa physical distancing sa loob ng sementeryo.
Nakatalaga sa mga nasabing sementeryo ang police at barangay marshals gayondin ang Public Order and Safety Unit (POSU) para matiyak ang seguridad ng mga dadalaw sa kanilang mga mahal sa buhay na namayapa.
Sa ngayon, isang gate sa Sta. Clara de Montefalco Roman Catholic Cemetery ang nakabukas para sa mga bisita.
Ito ay taliwas sa anim na gates na binubuksan noon sa nasabing sementeryo.
Layon nito na matiyak na masusunod ang ipinaiiral na health protocols sa gitna ng pandemic.
Muli nagpaalala ang Pasay city local government unit (LGU) na sarado ang mga sementeryo sa lungsod mula ngayong araw 29 Oktubre hanggang 4 Nobyembre.
Jaja Garcia