NATAGPUANG wala nang buhay ang tatlo sa mga mangingisdang naiulat na nawawala sa kasagsagan ng bagyong Quinta, sa dalampasigan ng Barangay Cagdarao, sa bayan ng Panganiban, lalawigan ng Catanduanes, nitong Miyerkoles, 28 Oktubre.
Ayon kay Reggie Castro, hepe ng Panganiban Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), natagpuan ang mga katawan nina Francis Bañez, 47; Dante Potenciano, 43; at Joel Potenciano, Sr., 41, sa tuktok ng malalaking bato sa dalampasigan ng barangay.
Samantala, nakaligtas ang isa sa mga Potenciano na kinilalang si Joel Jr., 19 anyos.
Nabatid na pumalaot sina Bañez at ang mga Potenciano dakong 9:00 am noong Sabado, 24 Oktubre, upang mangisda bilang paghahanda dahil alam nilang hindi sila makapangingisda pagdating ng bagyong Quinta.
Iniulat ni Barangay Chairman Jorge Potenciano noong Linggo, 25 Oktubre, sa Panganiban MDRRMO na hindi pa bumabalik ang kaniyang mga kabarangay.
Isinalaysay ni Joel, Jr., pauwi na sila nang hampasin ng malalaking alon ang kanilang bangka hanggang bumangga ito sa malalaking bato malapit sa dalampasigan sa bayan ng Panganiban.