PINAYAGAN ng Senate Blue Ribbon Committee na ilipat sa Angeles City Jail ang sinabing leader ng Pampanga ‘ninja cops’ dahil sa humanitarian considerations.
Sinabi ni Senator Richard Gordon na kasalukuyang nasa mapanganib na lugar si Police Maj. Rodney Raymundo Baloyo IV. May malalakas na tao raw kasi ang maaari niyang makalaban sa kinaroroonan.
Bukod rito ay diabetic umano si Baloyo at ang anak ay may kapansasnan.
Si Baloyo ay nakakulong ngayon sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City matapos siyang ipa-contempt ng Senate Blue Ribbon dahil sa papalit-palit na pahayag ukol sa nangyaring drug raid noong 2013.
Magugunita na ilan sa kaniyang mga tauhan ang sangkot sa umano’y muling pagbebenta ng 160 kilograms ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P648 milyon na nasamsam sa naturang operasyon.
Binayaran umano ang grupo ni Baloyo ng P50 milyon para palayain ang Chinese drug lord na si Johnson Lee at isa pang Chinese national na kinilala naman bilang si Ding Wengkun.
Ito ang nagbunsod sa maagang pagbaba sa puwesto ni dating PNP chief Gen. Oscar Albayalde dahil sa pagkakadawit sa naturang insidente.
Dagdag ng senador, ibinigay na ang transfer papers ni Baloyo sa sergeant at arms ng Senado na si Maj. Gen. Rene Samonte ngunit kailangan pang kompirmahin kung nadala na si Baloyo sa Pampanga.
Cynthia Martin