PINANGANGAMBAHAN ni Senador Imee Marcos na magamit sa pinakabagong modus ng money laundering ang mga personal protective equipment (PPE), testing kits, disinfectants, respirators, surgical tools at inaasahang bakuna kontra CoVid-19.
Paliwanag ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, dahil sa kagyat at mataas na demand sa buong mundo ng medical supplies at mga equipment kontra sa pandemya, maluwag ang proseso sa pagbili at regulatory requirements ng mga gobyerno at mga pribadong ospital kaya mapapasukan ito ng bagong modus o mga pinansiyal na katiwalian.
Ayon kay Marcos, sa mga medikal na pangangailangan nakakita ng bagong modus sa money laundering, makaraang humina ang kita o korupsiyon ng mga financial criminal sa casino at real estate operations dahil sa limitadong galaw at mga pampublikong pagtitipon, limitadong paggamit ng mga opisina at nauso ang work from home bilang pag-iigat laban sa CoVid-19 pandemic.
“Ang amyenda sa Anti-Money Laundering Act ay hindi dapat madaig ng nasabing bagong development o modus,” diin ni Marcos.
Dagdag ni Marcos, posibleng pasukin ng nasabing modus ng money laundering ang kakulangan sa P2.5-bilyong budget sa pagkuha ng bakuna kontra sa CoVid-19 sa susunod na taon, sa harap na rin ng paglobo ng panawagan ng publiko at paghanap ng gobyerno at mga pribadong institusyon ng paraan o remedyo sa kakapusan ng supply.
Sa pinakahuling plenary report ng pandaigdigang bantay sa money laundering, ang Paris-based Financial Action Task Force (FATF), napuna ang tumataas na insidente ng financial fraud na kinasasangkutan ng mga overpriced at counterfeit medical goods.
Napuna rin ng Council of Europe monitoring body na Moneyval ang ginagawang panloloko sa mga medical equipment na isa sa tatlong uri ng financial crime na talagang lumala sa panahon ng pandemya, kabilang ang pandaraya at pagnanakaw na konektado sa pagbibigay ng ayuda at sa public procurement contracts.
Inihain ni Marcos ang Senate Bill 1545 para masigurong hindi madadawit ang Filipinas sa nakababahalang listahan ng FATF ng mga bansang ikinokonsiderang mataas ang tsansang hindi magamit sa tama ang international financial system.
Ang panukalang batas ni Marcos ay layong bigyang ngipin ang Anti-Money Laundering Council sa pagkakaloob dito ng karagdagang kapangyarihan na magbantay, mag-imbestiga, at i-subpoena ang mga hinihinalang financial criminals, gayondin ang pag-freeze sa lahat ng kanilang ari-arian at magsagawa ng forfeiture proceedings maliban kung pagbawalan ng Court of Appeals o Korte Suprema.
Cynthia Martin