MARAMI talagang kabalintunaan ang buhay.
Akala natin ang sektor ng mga magsasaka na nagtatanim ng palay ang hindi nakalalasap ng kanilang ani dahil kailangan nilang ipagbili ang palay. Isang halimbawa ng kabalintunaan ‘yan.
Ganoon din ang mga mangingisda na bihirang makatikim ng mamahaling isda na kanilang nahuhuli.
Ang mga sapatero na gumagawa ng world class na sapatos pero ni hindi makapagsuot nito dahil ang halaga’y katumbas ng suweldo ng limang obrero.
Palasak ang mga halimbawa ng ganyang kabalintunaan.
Pero nagulat tayo na isang babaeng diplomatiko ang nabuyangyang sa publiko na abusado sa kanyang kasambahay.
Si Ambassador Marichu Mauro na nakatalaga sa Brazil ay nagharap ng kanyang credentials kay President of the Federative Republic of Brazil, His Excellency Michel Temer, noong 25 Abril 2018 sa Planalto Palace.
Nasa ilalim din ng hurisdiksiyon ng Philippine Embassy sa Brazil ang mga bansang Colombia, Guyana, Suriname, at Venezuela sa pamamagitan ng iba’t ibang proyekto at gawain sa larang mg politika, ekonomiya, turismo, at iba pang anyo ng kooperasyon.
Ganyang kabigat at kalawak ang responsibilidad na nakaatang sa isang diplomatikong gaya ni Ms. Mauro.
Kasama sa sinasabing ibang anyo ng kooperasyon ang kapakanan ng mga manggagawa o migranteng Filipino na nakabase sa mga nasabing bansa.
Kaya nang mabuyangyang sa publiko ang pananakit o pagmamaltrato ni Mauro sa kanyang kasambahay nag-alala ang mga pinuno ng gobyerno at siya ay dali-daling pinauwi ng bansa.
Mantakin n’yo naman, isang opisyal na eksperto sa gawaing diplomasya pero hindi umubra ang pasensiya sa kanyang kasambahay na ating kababayan.
Paano natin maaasahang ipagtatanggol niya ang kalagayan ng mga kababayan nating nasa ibang bansa kung sa sariling bahay niya ay hindi niya maipraktis ang tamang diplomasya?
Hindi natin alam kung nagkaroon ba ng mental health issue si Ms. Mauro dahil sa pandemya. Pero palagay natin ay kailangan niyang magpasuri.
Kung susundan ang kanyang karera halos ilang dekada nang nasa gawaing diplomatiko si Ms. Mauro kaya nakapagtataka ang kanyang inasal sa kanyang kasambahay.
Kung maisasailalim sa pagsusuri ng isang propesyonal at mapatunayan na apektado ng pandemya ang kanyang menthal health dahil sa inasal niya sa kanyang kasambahay, palagay natin ay makalulusot siya sa pananagutan.
Pero ang tanong, paano ang kasambahay na kanyang minaltrato?
Ngayon lang nga ba niya ginawa ito?
Panahon na para i-recall ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin ang mga diplomat lalo ang mga apektado ng pandemya.
Huwag hayaang makapang-abuso dahil sa kanilang pagkaburyong at apektadong mental health dahil sa pandemya.
Ano sa palagay ninyo Secretary Locsin?
Kami po’y hindi mapalagay.
‘Yun lang!