HANGGANG sa kasalukuyan hindi pa natatapos ang kalbaryo ng overseas Filipino workers (OFWs) na dumarating sa bansa at napipilitang maghintay nang matagal bago makakuha ng clearance na sila ay negatibo sa CoVid-19.
Ang masama nito, lahat ng tosgas para sa kanilang pamamalagi sa mga hotel o motel o dorm, ganoon din ang swab test ay kanya-kanyang sagot ang OFWs.
‘Yan nga ay dahil ayaw nang i-swab test ng Philippine Red Cross ang mga OFW hangga’t hindi nagbabayad ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Wattafak!
Ang siste, mukhang ayaw tumulong ng mga ahensiyang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Overseas Employment Agency (POEA) at mismong ang DFA’s OUMWA (Office of Undersecretary for Migrant Workers Affairs) ay hindi natin nariringgan na umaaksiyon o nagreremedyo sa matinding pasanin na dinadala ng OFWs.
Kumbaga, matapos pakinabangan ng gobyerno ang kanilang dollar remittances heto ngayong may pandemya lumalabas na bahala sila sa buhay nila.
Sila ang naiiipit ngayon sa hindi pagbabayad ng PhilHealth sa PRC kaya lalong nabibinbin ang kanilang pag-uwi sa kani-kanilang pamilya.
At sa tagal din ng kanilang quarantine, pati ang trabaho nilang babalikan ay nawala na.
Ngayon, marami sa mga OFW ang ‘nakanganga’ at hindi makalasap ng ayuda mula sa pamahalaan.
Hindi sila kasama sa Bayanihan 1 at lalong malabong makasambot ng biyaya sa Bayanihan 2.
At kahit ganyan ang kalagayan nila, hanggang ngayon, wala pa rin sumasaklolo sa kanila mula sa gobyerno.
Sila ang mga ‘binansagang’ bayani ng makabagong panahon, pero ang turing sa kanila ng pamahalaan lalo ng OWWA ay parang busabos.
Ang mga OFW ay miyembro lamang ng OWWA habang empleyado pa sa ibang bansa. Pero kapag nawalan sila ng trabaho at umuwi sa Filipinas, hindi na sila OFW.
O ‘di ba, ganoon lang ‘kateknikal’ ang pagtingin ng estado sa mga manggagawang Pinoy na nasa ibang bansa.
Ibig sabihin, hindi na sila ‘makabagong bayani’ kapag hindi na kayang mag-remit ng dolyares.
Alam n’yo na?!