AMINADO si Franco Miguel na excited na siyang gumiling ang camera para sa kanyang latest movie, titled Balangiga 1901. Ito’y mula sa JF Film Production ni Ms. Jarrimine Fortuna.
Posibleng ito ang biggest film ng taon, dahil balitang P80 milyon ang budget nito at balak din ipalabas ang pelikula sa international market.
Inusisa namin ang role rito ni Franco?
Tugon niya, “Isa akong ano, parang kapitan. Ang name ko roon, Ozef Baldoza. Ako ‘yung gigil na gigil sa mga Amerikano. Kasi, bale iba-iba po kaming mga lider na nagkakaroon ng kanya-kanyang adhikain laban sa mga Amerikano.”
Ano ang relasyon niya kay Kapitan Valeriano na gagampanan ni Ejay Falcon? “Bale isa ako sa mga tauhan niya, ako ‘yung kinuha niya sa taas ng bundok na hindi alam ng mga Amerikano, trained ako.
“Opo, opo. Kakampi ko si Ejay Falcon dito at ako ‘yung tauhan niyang hindi ko na kayang magtimpi. Masyado na kaming inaapi ng mga Amerikano. So, sa hindi ko pagtitimpi, ako ‘yung talagang… ako ‘yung nakapatay sa mga Amerikano. Sobrang gigil,” nakangiting kuwento ni Franco.
Ipinahayag ni Franco na ito ang pinaka-challenging na role niya, so far. “Ito ‘yung pinaka-challenging role na talagang masasabi kong dapat kong paghandaan, dahil unang-una, historical ito, ‘di ba? Pangalawa, ‘yung character na ibinigay sa akin, para ipagkatiwala sa akin iyon ng direktor, ay mas lamang ‘yung emosyon.
“Bihira ‘yung dialogue ko rito, emosyon ang mas lulutang. Kung paano mo makikita sa mukha ko ‘yung galit, timpi, tsaka ‘yung… gusto ko na talagang lumusob. Parang ganoon.”
Si Franco ay nagsimula sa showbiz noong 1998. Napanood siya sa mga pelikulang sexy tulad ng Nena Inosente at ang kanyang launching movie ay Mapupulang Rosas with Allona Amor.
“Nang bawal ipalabas sa SM cinemas ang sexy movies, so nagpahinga ako. Then after niyon, kinuha ako ni Direk Kaka Balagtas sa pelikulang Apoy Sa Dibdib Ng Samar. Doon na ako nagsimula sa action, then Anak ng Kumander, then ito ‘yung latest ko nitong December lang, itong Parola nina Direk Jun Posadas at Direk Danny Marquez.
“That’s the last movie na ginawa ko noong December. Napakaganda rin, kalikasan naman ang tema nito,” kuwento ni Franco.
Sa ngayon ay mas focus si Franco sa kanyang construction business at palaisdaan.
Ang Balangiga 1901 ay mula sa pamamahala ni Direk Danny Marquez. Bukod kina Ejay at Franco, tampok din dito sina Jason Abalos, Richard Quan, Mark Neumann, Lala Vinzon, Emilio Garcia, Jao Mapa, Ricardo Cepeda, Marina Benipayo, Chuckie Dreyfuss, Ramon Christopher, Jeffrey Santos, Rob Sy, Jervy delos Reyes, Nicole Dulalia, at iba pa.
Ang Battle of Balangiga ay isang historic event at itinuturing na one of the bloodiest encounters noong panahon ng Philippine-American war na naganap noong 1899-1902. Dito kinuha ng mga Amerikano ang tanyag na Balangiga Bells na noon pang 1958 hinihiling na maibalik sa bansa. Pero nitong 2018 lamang naganap ang makasaysayang pagbabalik ng Balangiga Bells sa Filipinas.
Nonie Nicasio