KASABAY ng hagupit ng bagyong Pepito sa Lalawigan ng Quezon, agad nagtungo ang Manila Water Foundation (MWF) sa Lungsod ng Lucena nitong 21 Oktubre upang magpadala ng dalawang trak ng maiinom na tubig at pagkain sa mahigit 7,000 naapektohang mamamayan.
Ayon sa advisory dakong 5:00 am, inilahad ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) unit ng Quezon Province na ang bagyo ay nasa lugar ng District 4.
Kabilang dito ang mga bayan ng Atimonan, Plaridel, Gumaca, Lopez, Calauag at mga isla ng Alabat, Perez at Quezon.
Mahigit 23,000 mamamayan ang naiulat na inilikas mula sa District 4 na naapektohan ng matinding pagbabaha at pagguho ng lupa.
Mabilis na nagresponde sa pangangailangan ng mga naapektohan ng bagyo ang Manila Water Foundation, na nagpadala ng 1,400 food packs, at mahigit 1,000 bote ng 500 ml maiinom na tubig.
Ang mga donasyon ay ipamamahagi sa mga pamilyang naapektohan ng bagyo na kasalukuyang namamalagi sa evacuation centers.
Para kay Provincial Administrator Roberto Gajo, malaking tulong ang mga donasyon para sa mga kababayang naapektohan ng bagyo.
“Lubos po kaming nagpapasalamat sa Manila Water Company sapagka’t — sa pamamagitan ng Manila Water Foundation — naipaabot po sa aming lalawigan ng Quezon ang mga pagkain at tubig para maipadala naman natin sa mga nangangailangan nating kababayan na naapektohan ng baha dulot ng malakas na ulan at dalawang bagyo na dumaan sa ating lalawigan,” aniya.
Ang relief effort ay bahagi ng programang Agapay na naglalayong magbigay ng agarang tulong sa mga naapektohan ng sakuna mula sa mga kalamidad kagaya ng bagyo, baha, o lindol, at kaakibat ang Tanging Yaman Foundation, Inc., na namahala sa pag-aayos ng mga nasabing relief goods.
Bukod sa MWF, magpapadala rin ng relief packs at hygiene kits ang Ayala Group of Companies, sa pangunguna ng Ayala Foundation, para sa mga naapektohang pamilya sa 24 Oktubre.