HINDI umubra ang tapang ng dalawang lalaking nagsisiga-sigaan sa kanilang barangay nang arestohin ng pulisya dahil sa walang habas na pagpapaputok ng baril sa bayan ng Norzagaray, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Martes, 20 Oktubre.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, kinilala ang dalawang suspek na sina Rogaciano Cruz at Anacleto Legaspi na nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Bulacan Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Norzagaray Municipal Police Station (MPS).
Una rito, nakatanggap ang mga PNP personnel ng tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen na nagre-report may dalawang lalaking walang habas na nagpapaputok ng baril sa Sitio Gulod, Barangay Matictic, sa nasabing bayan.
Mabilis na nagresponde ang mga operatiba ng Bulacan CIDG at Norzagaray MPS na agad naispatan ang dalawang suspek na may bitbit na baril at tinatakot ang mga residente sa naturang barangay.
Dito na nangatog ang tumbong ng dalawang suspek nang makitang napaiikutan sila ng mga operatiba ng pulisya kaya hindi na nanlaban at sa takot na matodas ay kusang sumuko nang maayos.
Nakompiska ng mga awtoridad ang dalawang kalibre 22 rifle at mga bala mula sa dalawang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearm and Ammunition Regulation Act.
(MICKA BAUTISTA)