UMABOT sa 1,500 sasakyan ang stranded, dahil sa bahang dulot ng malakas na ulan at umapaw na tubig-dagat, sa Maharlika Highway sa bahagi ng bayan ng Lopez, lalawigan ng Quezon, nitong Miyerkoles ng umaga, 21 Oktubre.
Ayon kay Francisco Verba, hepe ng local Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO), maaaring magtagal ng dalawa hanggang tatlong araw ang pagkakahimpil ng mga sasakyan, kung hindi titigil ang pag-ulan.
Nagsimula aniyang tumaas ang tubig dakong 5:00 am na umabgot sa apat na talampakan ang taas sa halos isang kilometrong bahagi ng highway sa Barangay Canda Ibaba, sa naturang bayan.
Ayon kay Verba, sanhi ng pag-ulan ang flash flood at high tide mula sa Pacific Ocean, patunay nito ang pag-apaw ng Pandanan River.
Matatagpuan ang ilog sa katabing bayan ng Calauag, sa boundary ng huling barangay ng Lopez na Canda Ibaba.
Samantala, nagbibigay tulong ang lokal na pamahalaan sa mga na-stranded na motorista sa pangunguna ni Quezon Provincial Board Member Isaias Ubana II, na dating alkalde ng Lopez.
Namigay ng food pack at tubig ang lokal na pamahalaan at iba pang mga donor sa 4,700 stranded na motorist at commuters.