IGINIIT ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go ang kanyang panawagan sa Department of Agriculture (DA) na pag-ibayohin ang suporta sa sektor ng agrikultura, sa pamamagitan ng pagbibigay kabuhayan, food security at muling pagpapanumbalik ng ekonomiya sa kanayunan.
“Lalo sa panahon ngayon na apektado ng krisis ang ating ekonomiya, ‘back to basics’ po tayo. Nakita natin ngayon kung gaano kahalaga ang agrikultura sa ating bansa at sa ating kabuhayan,” ayon kay Senador Go.
“Mabilis pong maibabalik ang sigla ng ating ekonomiya kung palalakasin natin ang sektor ng agrikultura sa ating mga probinsiya,” dagdag ni Go.
Kasabay nito, iginiit ng senador sa DA na tumulong sa Bayanihan 2 program para palakasin ang sektor pang-agrikultura ng bansa katulad ng pagbibigay ng mga agricultural training at ang pagpapalakas ng mga programa para mai-promote ang agri-preneurship.
“Marami pong nawalan ng trabaho at kabuhayan dahil sa krisis. Kung uuwi po sila sa kanilang probinsiya, bigyan po dapat sila ng oportunidad pang-livelihood na akma sa kanilang lugar at karamihan po ng ating probinsiya ay agriculture-driven ang lokal na ekonomiya,” paliwanag ni Go.
Dapat daw palakasin ng DA ang mga programang puwedeng magturo at sumuporta sa mga nais magsaka, mangisda, at iba pang kabuhayang pang-agrikultura.
Kasabay nito, inihayag ni Go ang kanyang suporta sa panukalang 2021 budget ng DA habang pinapurihan ang ahensiya dahil sa mabilis nitong tugon sa mga pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda sa panahon ng pandemya.
“I am here to manifest my full support to the budget of the Department of Agriculture, headed by Secretary William Dar, its banner programs and the Bureau of Fisheries and Aquatic Resources,” ayon kay Go sa kanyang manifestation sa pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Finance.
Idinagdag ni Go, sinusuportahan niya ang pondo ng DA para masiguro ang mga pagkain sa mga hapag kainan ng mga Filipino lalo ngayong panahon ng pandemya.
“I trust the department to stay true to its vision and continue their efforts in providing reprieve to our less fortunate farmers and fisherfolk and ensure production, availability, accessibility and affordability, price stability, sustainability, and food safety,” paliwanag ni Go.
Nanawagan ang senador sa ahensiya na ayusin at seguruhin ang paggasta sa kanilang pondo. “Kailangan unahin po natin ang pinakamahihirap na magsasaka. ‘Wag po natin silang hayaang magutom. Bigyan po natin sila ng lahat ng kailangan nila para makabangon muli,” ayon kay Go.