INARESTO ang isang pulis-Quezon City dahil sa pagmamaneho ng nakaw na sasakyan sa Quezon City, nitong Biyernes ng umaga.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Ronnie Montejo, ang suspek na si P/SMSgt. Danilo Ragonot Pacurib, nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Payatas Police Station 13 at residente sa Antipolo St., Barangay Krus na Ligas, QC.
Sa ulat ng Anti-Carnapping Unit ng QCPD, dakong 8:00 am kahapon, Oktubre 16, nang maaresto si Pacurib sa kanto ng Commonwealth Avenue at Camaro St., sa harap ng East West Bank, sa Barangay Fairview.
Nagsasagawa ng Anti-Carnapping operation ang mga pulis nang mamataan at parahin ang pulis na sakay ng phantom black na Hyundai Sta. Fe (ABL-1994) dahil sa paglabag sa improvised plate.
Ngunit nang beripikahin ng mga awtoridad ay natuklasang ang minamanehong sasakyan ng pulis ay kabilang sa mga nakaalarmang sasakyan sa PNP -Highway Patrol Group, at pinalitan ng suspek ang plaka nito.
Ang nasabing sasakyan ay nakarehistro na pag-aari ng Universal LMS Finance Corp., at inupahan lamang mula sa Areza Motor Sales.
Nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 4136 (Unauthorized Use of Improvised Plate at PD 1612 (Anti-Fencing Law) si Pacurib. (ALMAR DANGUILAN)