HINAMON ng isang grupo ng gumagawa ng lokal na semento ang Philcement Corporation na sagutin kung gawang lokal ba o imported ang mga produktong ibinibenta sa merkado.
Ayon sa Cement Manufacturers Association of the Philippines (CeMAP), nais nilang malaman kung totoong gawa nga sa Filipinas ang mga produkto ng Philcement, gaya nang nakatatak sa mga bag nito.
“Kailangang sagutin ng Philcement ang katanungang ito at dapat din itong imbestigahan ng mga kaukulang ahensiya ng gobyerno,” wika ng CeMAP sa isang pahayag.
Giit ng grupo, dapat masigurong gawa nga sa Filipinas ang isang produkto, gaya ng semento, upang matiyak na tanging mga lokal na produkto lang ang makikinabang sa “buy local” program ng gobyerno.
Nanindigan ang CeMAP na ang pagkuwestiyon nito sa produkto ng Philcement ay bahagi ng kanilang adbokasiya na itaguyod ang kapakanan ng mga consumer at protektahan ang lokal na industriya ng semento.
Binuhay ng gobyerno ang “buy local” program upang muling pasiglahin ang ekonomiya na tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nanawagan ang ilang consumer groups sa pamahalaan na paigtingin ang kampanya laban sa mga tiwaling negosyante na posibleng magsamantala sa programa sa pamamagitan ng mislabeling ng imported goods – tulad ng manok, bigas, semento at iba pang construction materials – at palitawing ito’y gawa sa Filipinas.