NAITALA sa lungsod ng Ilagan, sa lalawigan ng Isabela, ang 33 bagong kaso ng coronavirus disease (CoVid-19), kabilang ang isang 3-anyos at 13-anyos na batang lalaki.
Karamihan sa mga kaso ay naitala sa sa mga barangay ng Bliss, Malalam, Baligatan, Naguilian Baculud Sur, Naguilian Baculud Norte, Calamagui 2nd, Naguilian Sur, at Santa Barbara.
Ayon kay Ilagan City Mayor Josemarie Diaz, nagmula ang impeksiyon sa isang guro sa Barangay Naguilian Baculud Sur.
Dahil sa pagtaas ng kaso ng CoVid-19 sa lungsod, naglabas ng executive order si Isabela Gov. Rodolfo Albano III na isailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Ilagan mula 6-16 Oktubre.
Samantala, isinailalim rin ang bayan ng Enrile, sa lalawigan ng Cagayan sa modified enhanced community quarantine mula modified general community quarantine (MGCQ) sa loob ng 14 araw upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng CoVid-19.
Sa kaniyang executive order, ipinag-utos ni Enrile Mayor Miguel Decena, Jr., ang mas mahigpit na quarantine na nagsimula noong hatinggabi ng 7 Oktubre at magtatapos hatinggabi ng 20 Oktubre.
Sa datos ng health office ng bayan, nakitang mayroong 30 aktibong kaso ng CoVid -19 dito, na 13 ang naitala sa loob ng huling dalawang araw.
Ipinag-utos ang liquor ban at ipinagbabawal ang mass gathering bilang bahagi ng mas mahigpit na quarantine protocols, habang nilimitahan sa limang katao ang pagsasagawa ng mga gawaing panrelihiyon.