HINDI nakaligtas sa sunog ang isang 80-anyos doktor at kaniyang 71-anyos kasambahay nang bigong makalabas sa nasusunog na bahay sa Samabag I, sa lungsod ng Cebu, noong Linggo ng gabi, 4 Oktubre.
Kinilala ang mga biktimang sina Dr. Glenda Mayol-Neri, 80 anyos, at kaniyang kasambahay na si Francisca Formentera, 71 anyos.
Ayon kay FO2 Fulbert Navarro ng Cebu City Fire Department, nagsimula ang sunog dakong 11:30 pm at idineklarang under control matapos ang 12 minuto.
Aabot sa tinatayang P4.8 milyon ang pinsala sa sunog na hindi pa natutukoy ang dahilan.
Ani Navarro, nagsimula ang apoy sa unang palapag ng bahay.
Sinabi ni Ramil Ayuman, officer-in-charge ng Cebu City Disaster Risk Reduction Management Office (CCDRRMO), nakulong si Neri Formentera sa loob ng nasusunog na bahay.
Narekober ang mga katawan ng dalawang biktima sa pangalawang palapag ng bahay.
Dagdag ni Ayuman, nasugatan ang dalawang residente sa lugar at isang fire volunteer nang magtangkang tumulong para maapula ang apoy.
Dahil sa sunog, nawalan ng tirahan ang tatlong pamilyang umuupa sa ibang silid ng bahay.