NANANATILING Kapamilya star at walang planong iwan ni Cherry Pie Picache ang ABS-CBN kahit na sarado na ito dahil hindi nabigyan ng bagong prangkisa ng Kongreso.
Marami na kasing ABS-CBN stars ang tumanggap ng trabaho sa ibang network at ‘yung iba naman ay naghanap na rin ng ibang manager.
Sa nasabing virtual presscon ay inilahad ni Cherry Pie ang sama ng loob dahil sa pagpapasara ng network at nagpapasalamat siya dahil sa kabila ng krisis ay napanatili nito ang kalidad ng mga programa.
“Puwede n’yong isara, puwede n’yong patayin, puwede n’yong itigil pero hindi n’yo mapipigilan ‘yung galing ng kompanyang pinagtatrabahuhan namin.
“Ang ABS-CBN, ang Dreamscape at lahat sa mga taong nandito this is just the beginning kahit naging madilim, malungkot, mahirap, we faced the challenge, we all face the challenge and will be a brighter future for everyone.
“We’re really grateful and blessed to be handed and to be given the opportunity by ABS-CBN and of course Dreamscape kasi, hindi lang sa inaalagaan kami pero, ‘di ba inumpisahan din nila ito. Habang sila rin humarap at humaharap sa isang napaka-difficult na situation,” sabi pa.
Sa virtual presscon ng Walang Hanggang Paalam ay aminado ang cast na mahirap magtrabaho sa panahon ng pandemya pero dahil kailangan at sigurado naman ang kanilang safety base na rin sa mahigpit na pagpapatupad ng health protocols ng Dreamscape Entertainment ay tinanggap nila ang programa at para na rin sa mga taong kasama sa produksiyon.
Samantala, nagsimula ng umere ang Walang Hanggang Paalam nitong Lunes, Setyembre 28 handog ng Dreamscape Entertainment mula sa direksiyon nina Darnel Villaflor at Manny Palo.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan