NAKATUTUWA kung may naririnig tayong mga kakilala nating gumagaling sa Covid-19. Ang dami nang mga artista na tinamaan ng Covid-19. Nauna na riyan si Christopher de Leon na mabilis namang gumaling. Ngayon ang latest na gumaling at binigyan pa ng certification na “fit to work” ay si Carmi Martin.
Nakatutuwa rin naman ang ginagawa ng mga artistang nagkaroon ng Covid, dahil nagdo-donate sila ng dugo para makuha ang plasma na sinasabing nakatutulong din naman sa mga may sakit para malabanan ang virus. Maraming pagkakataon, at sinasabi nga maski ng ilang kaibigan naming doctor na totoo, wala pang bakuna laban sa Covid at malamang iyan sa susunod na taon pa. Wala pa rin namang gamot laban sa Covid at hindi mo alam kung kailan magkakaroon niyan.
Pero may nagagamit silang kombinasyon ng mga gamot na nagpapalakas ng katawan ng isang tao upang malabanan ang Covid-19, at gumagaling naman sila. Sa mga artistang nagkasakit, isa lang ang medyo minalas, si Menggie Cobarrubias, na namatay bago pa man lumabas ang resulta ng kanyang test. Positibo siya, pero lumabas iyon limang araw matapos siyang mamatay.
Naniniwala kaming magagaling talaga ang mga doctor na Filipino. Isa tayo sa may pinakamataas na kaso ng Covid sa buong Asya. Pero isa rin tayo sa may pinakamaraming kaso ng gumaling mula sa sakit na iyan sa buong mundo. Wala pang bakuna, wala pang gamot. Isa rin tayo sa may pinakamaliit na bilang ng mga namamatay sa Covid.
Natutuwa kami sa sitwasyong iyan. Ibig sabihin kahit na paano, sinasabi man ng iba na palpak, pero dahil mahuhusay ang mga doctor natin, mas marami naman ang gumagaling.
Ed de Leon