“BOXING’S over!”
Ito ang makahulugang pahayag ni Ron Munsayac, executive director ng PDP-Laban, kaugnay ng kontrobersiyal na ‘term-sharing’ sa Kamara sa pagitan nina Taguig Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Ani Munsayac, “Walang tensiyon sa panig ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco nang pangunahan niya ang maliit na bilang ng 20 mambabatas para humarap kay President Rodrigo Duterte sa Malacañang nitong Martes ng gabi.
Muling namagitan ang Pangulo sa pag-uusap sa pagitan nina Velasco at outgoing Speaker na si Cayetano.
Ang nasabing pulong, ayon sa kampo ng PDP Laban, ay pagkilala kay Velasco bilang bagong Speaker of the House of Representatives.
Ayon sa mga mapagkakatiwalaang source, si Velasco ay uupong Speaker sa 14 Oktubre matapos payagan si Cayetano na tapusin ang mga kailangang tapusin hanggang sa araw na iyon.
Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Duterte kina Cayetano at Velasco na dapat nilang igalang ang kanilang kasunduan.
Hindi na sana, umano, kailangan ang nasabing pulong kung si Cayetano ay hindi nagpasaring ng pag-atras sa kasunduang term-sharing kay Velasco.
Magugunitang ang nasabing kasunduan ay ikinasa rin ng Pangulo noong nakaraang taon. Pumayag si Cayetano na magsilbi ng 15 buwan para sa unang kalahati ng three-year term, at pagkatapos ay bababa nang maayos upang hayaan si Velasco na pamunuan ang Kamara sa loob ng 21 buwan hanggang sa susunod na national elections.
Hanggang noong nakaraang taon, inakusahan ni Cayetano si Velasco na hindi nagsasawang maglunsad ng mga atake upang hindi siya makaupo.
Gayonman, hindi iilang kongresista ang itinanggi ito.
Tahimik si Velasco sa mga nasabing pangyayari habang nanatiling tapat sa kasunduan.
“I am a man of my word. I honor our agreement and my gentleman’s vow before the President,” ani Velasco.
Habang si Velasco ay matinding kritisismo ang inaabot mula sa mga alyado ni Cayetano, dahil wala umanong ginagawa para ‘kunin’ ang speakership, sinabi naman ng mga supporters ng una na walang dahilan upang sila ay magmadali.
“The agreement was 15 months for you, 21 months for me. That’s what the congressmen have agreed on. Those are the terms we have accepted,” ani Buhay partylist Rep. Lito Atienza, isa sa senior members ng Kamara.
Pero hindi natinag si Cayetano, at tinipon ang 200 congressman para lagdaan ang manifesto of support para sa patuloy na pamamalagi bilang Speaker.
Inulan ng batikos si Cayetano.
Nasaksihan ag pahayag ng Pangulo ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go. Naroon din ang mambabatas nang kausapin ng Pangulo sina Velasco at Cayetano sa pribadong pagkakataon.
Kasama ni Velasco sina Deputy Speaker Johnny Pimentel, Ilocos Sur Rep. Kristine Singson; 1-PACMAN partylist Rep. Mikee Romero, AAMBIS-OWA partylist Rep. Sharon Garin, Bacolod City Rep. Caraps Paduano, Quezon Rep. Mark Enverga, Rizal Rep. Jack Duavit at Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon.
Isinama ni Cayetano ang asawang si Lani, isa rin Taguig City representative, at sina Majority leader Martin Romualdez, Deputy Speaker LRay Villafuerte, Deputy Speaker Rodante Marcoleta, House committee on accounts chair Abraham Tolentino, Pampanga Rep. Mikey Arroyo at House committee on good government and public accountability chair Jose Antonio Sy-Alvarado.
Sinabi ng mga alyado ni Cayetano na ang nasabing miting ay hiniling ni Davao City Mayor Sara Duterte. Pero itinanggi ito ni Executive Director Ron Munsayac.