ISANG 64-anyos babaeng nurse ng Department of Education (DepEd) sa lungsod ng Malaybalay, lalawigan ng Bukidnon, ang nagpositibo sa novel coronavirus disease (CoVid-19).
Sa kaniyang pahayag noong Biyernes, 25 Setyembre, sinabi ni Malaybalay Vice Mayor Dr. Policarpo Murillo, tumatayong incident commander ng Emergency Operations and Command Center (EOCC) ng lungsod ng Valencia, ang DepEd nurse ay residente sa Barangay Sumpong, sa Malaybalay, at nabatid na may hypertension at diabetes.
Ani Murillo, bumibiyahe mula Malaybalay sa pamamagitan ng bus patungo sa kaniyang estasyon sa Mailag Elementary School, sa Valencia.
Base sa kanilang imbestigasyon, nakaranas ang school nurse ng “general body malaise” o matinding panghihina ng katawan noong 11 Setyembre at nagreport sa paaralan noong 15 Setyembre ngunit umuwi rin noong hapon nang lagnatin.
Na-confine ang nurse sa isang pribadong pagamutan sa lungsod ng Malaybalay noong 21 Setyembre at lumabas ang resulta ng kaniyang swab test noong 24 Setyembre.
Kasalukuyang nananatili ang pasyente sa Bukidnon Provincial Medical Center (BPMC).
Samantala, ang mga kinilalang nagkaroon ng close contact sa pasyente mula sa Valencia ay dinala na sa Isolation Facility ng lungsod para sa karagdagang pagsusuri.
Maging ang mga gurong nakasalamuha ng pasyente ay sumasailalim na sa “signs and symptoms review” dahil lumagpas na ang 14 araw simula nang ma-expose sila sa school nurse.