NAGBITIW bilang chairman emeritus at director ng ABS-CBN Corporation si Eugenio “Gabby” Lopez III. Nagbitiw din siya bilang director ng ABS-CBN Holdings Corporation, Sky Vision Corporation, Sky Cable Corporation, First Philippine Holdings Corporation, First Gen Corporation, at Rockwell Land Corporation.
Ani Lopez, nagpapasalamat siya sa tiwala ng mga stockholder ng mga korporasyong ito, sa mga kapwa director at tagapamahala na kanyang nakasama sa paninilbihan sa mga nagdaang taon.
Tinanggap naman ng Board of Directors ang pagbibitiw ni Lopez sa ginanap na pagpupulong.
“Lubos kaming nagpapasalamat sa kanyang dedikasyon at pamumuno sa mga nagdaang taon upang palawakin ang mga serbisyo ng ABS-CBN bukod sa telebisyon. Tulad ng kanyang amang si Eugenio ‘Kapitan Geny’ Lopez Jr., si Gabby ay isang makabagong lider na may matinding malasakit at pagmamahal para sa Pilipinas at mga kababayan natin. Lagi niyang ipinaaala sa amin na ang pagiging bahagi ng ABS-CBN ay higit sa isang trabaho dahil ang manilbihan sa mga Pilipino ay isang marangal na tungkulin.
“Nirerespeto namin at buo ang aming pagsuporta sa kanyang desisyon. Taos-puso rin kaming nagpapasalamat sa kanyang paggabay at pagtanim sa puso’t isipan ng bawat Kapamilya na sikaping maghanap ng mga bagong paraan para matugunan ang pangangailangan ng tao, mahalin ang sariling bayan, at laging maglingkod sa publiko.
“Ipagpapatuloy namin ang nasimulan nila ng kanyang ama sa aming misyong maghatid ng serbisyo sa Pilipino.”
Kaugnay nito, inihalal naman bilang Board of Directors si Mario Luza Bautista bilang Director ng Corporation sa binakanteng puwesto ni Lopez. Siya ay 66 taong gulang at nagsilbing pangunahing abogado ng kompanya at kasapi ng Board of Advisors ng ABS-CBN simula pa 2011. Isa rin siyang Board Adviser para sa First Philippine Holdings Corporation. Si Bautista ay founding partner ng Poblador Bautista and Reyes Law Office at managing partner mula pa 1999. Nakuha niya ang kanyang Bachelor of Arts Degree in Communication Arts mula sa Ateneo de Manila University noong 1975 at ang kanyang Bachelor of Laws Degree mula sa University of the Philippines noong 1979, na nagtapos siya sa ika-anim na puwesto sa Bar Examinations.