IPINAG-UTOS ng pamahalaan ng Negros Occidental ang pagdakip sa pito kataong tumangging sumailalim sa swab test para sa CoVid-19 pagpasok sa lalawigan.
Ayon kay Provincial Administrator Rayfrando Diaz, lumapag ang pitong nagpakilalang mga Authorized Persons Outside Residence (APORs) sa Bacolod-Silay Airport noong Martes, 15 Setyembre, na may dalang sulat mula sa isang konsehal ng Bacolod.
Aniya, tutukuyin nila ang lokasyon ng pitong nagpakilalang APOR at saka aarestohin.
Kabilang sa ipinatutupad na health protocol ng pamahalaan ng Negros Occidental na lahat ng papasok sa lalawigan ay dapat sumailalim sa CoVid-19 test.
Kinilala ni Diaz ang pitong APOR na sina Charle Magne Andres, Dexter Claveria Aquino, Marlo Federiso, at Johnny Yanes ng DC Aquino Land Surveying Services; at Jestoni Absin Mangulabnan, Froillan Cris Timplanza Tungol, at Jim Batiduan Valerio ng Pax Cable Inc.
Samantala, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa matunton ang limang Bacolodnons na nagpositibo sa CoVid-19 sa isinagawang mass testing noong 28-29 Agosto sa lungsod ng Bacolod.
Ayon kay Bacolod Vice Mayor El Cid Familiaran, hindi nagbigay ng kanilang tunay na pangalan ang lima at ang isa ay gumamit pa ng pangalan ng taong patay na.
Dagdag ni Familiaran, chairman din ng Inter-Agency Task Force against CoVid-19 ng lungsod, tsinek ng pulis na tumutulong sa contact tracing at paglilipat ng mga pasyente mula sa kanilang bahay patungo sa quarantine facilities, sa Commission on Elections at Land Transportation Office, ngunit hindi nila nakita ang mga pangalang ibinigay ng limang nagpositibo.
Bagaman tapos na ang quarantine period ng lima, pinangangambahan ng IATF-Bacolod na maaaring nahawaan na nila ang kanilang mga pamilya.
Sa 4,384 Bacolodnons na lumahok sa mass testing, 531 ang nakompirmang positibo sa CoVid-19.