INIREKOMENDA ng pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte ang pagsasailalim ng isang business processing and outsourcing (BPO) company sa “lock-in” work setup matapos magpositibo sa coronavirus disease (CoVid-19) ang pito nilang customer service representatives.
Layon ng rekomendasyon sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lokal ng San Nicolas, kung saan matatagpuan ang kompanya, na mapigilang kumalat ang virus habang patuloy pa rin ang operasyon ng kompanya.
Samantala, lahat ng pitong pasyente ay kasalukuyan nang ginagamot at binabantayan.
Ayon kay Gov. Matthew Marcos Manotoc, una nilang plinanong i-lockdown ang buong pang-apat na palapag ng gusali dahil doon nagtatrabaho ang unang mga pasyenteng nagpositibo sa sakit.
Sa kaniyang pahayag noong Martes, 15 Setyembre, sinabi ng gobernador na mas minabuti ng mga doktor na ilagay sa ‘lock-in’ ang mga empleyado dahil sa mga karagdagang kompirmadong kaso.
Sasailalim ang mga empleyado ng BPO sa 10-araw na mahigpit na quarantine sa loob ng gusali habang patuloy pa rin ang operasyon ng kompanya.
Upang maprotektahan ang kaligtasan ng mga residenteng nasa paligid ng gusali, regular na imo-monitor ng local health team ng San Nicolas ang mga empleyado at titiyaking hindi sila lalabas ng gusali sa buong panahon ng ‘lock-in.’