PATAY ang isang robbery suspect matapos barilin, ilang sandali matapos lumabas sa Mandaue City Jail, sa lalawigan ng Cebu noong Lunes ng gabi, 14 Setyembre.
Kinilala ang napaslang na suspek na si Julivyn Lumingkit Terante, 43 anyos, residente sa lungsod ng Tagum, na katatapos lamang maglagak ng piyansa nang barilin 100 metro ang layo mula sa pasilidad.
Ayon sa ulat ng pulisya, naglalakad si Terante at ang kanyang kasama sa Sitio Superior, Barangay Lo-oc nang harangin sila ng isang van.
Bumaba ang armadong mga lalaki at pinaulanan ng bala ng baril si Terante saka tumakas.
Agad binawian ng buhay si Terante dahil sa mga tama ng bala ng baril sa kaniyang ulo at katawan, habang nakaligtas ang kaniyang kinakasama.
Ayon kay Mandaue City Police Chief P/Col. Jonathan Abella, isa si Terante sa apat na kalalakihang nadakip dahil sa hinihinalang kaugnayan sa pagnanakaw sa tatlong tindahan ng alahas, sanglaan, at money changer sa loob ng J-Centre Mall sa lungsod ng Mandaue noong Oktubre 2019.
Tinatayang P136-milyong halaga ng mga alahas, salapi, at mga cellphone ang natangay sa serye ng nakawan.
Naaresto ang apat na suspek, kabilang si Terante, habang napatay ang apat nilang kasamahan sa follow-up operation na ikinasa sa lungsod ng Bogo, sa lalawigan ng Cebu, habang lima pa ang nananatiling nakalalaya.
Pasakay ng barko ang mga suspek nang masukol ng mga pulis.
Ayon kay Abella, maaaring ang pamamaslang kay Terante ay gawa rin ng kanilang mga kasamahan.