NOONG una’y hindi makapaniwala ang mga magsasaka sa Louisiana state sa Estados Unidos nang malaman nilang nangamatay ang kanilang mga baka at gayondin ang iba pang mga alagang hayop sanhi ng pagkaubos ng dugo.
Mistulang sinalakay ang mga hayop ng daan-daang libong lamok na sumipsip ng kanilang dugo hanggang kapusin ng oxygen at unti-unting pumanaw.
Naganap ang pagsalakay ng mga lamok matapos ang pananalanta ng hurricane Laura nitong nakaraang buwan ng Agosto na pumatay sa apat katao sa US mainland at 23 sa Caribbean.
Kasunod ng bagyo ay mabilis na lomobo ang populasyon ng mga lamok na naging dahilan ng pagsalakay sa mga livestock sa ilang mga sakahan sa Louisiana, kabilang ang mga alagang kabayo at gayondin ang mga usa sa kagubatan na nasa paligid, ayon sa Louisiana State University (LSU) AgCenter.
Iniulat ng isang beterinaryo sa LSU na may mga magsasakang nawalan ng halos buong kawan ng kanilang mga baka at kabayo sanhi ng pagsalakay ng mga lamok.
Dahil sa pananalakay ng mga peste, inirekomenda ng beterinaryong si Dr. Christine Navarre ng LSU AGCenter na gamitan ng insecticide para mapuksa at tuluyang mapigilan na sumalakay pang muli.
Idinagdag din niya bilang payo sa mga magsasaka na maglagay ng mga balabal o pahiran ng mosquito-repellant ang kanilang mga alaga. Bukod dito’y makatutulong din umano ang pagpapakain nang sapat sa kanilang livestock para maging malusog at hindi basta maubusan ng dugo.
Samantala, ilang mga parokya sa Louisiana ang nag-spray ng mga insecticide bilang tugon sa peste at ayon kay AgCenter agent Jimmy Meaux, nakatulong ito para mapigilan ang pagdami pa ng mga lamok. (Kinalap ni TRACY CABRERA)