NAKAHANDA na ang sapat na rasyon ng mga pagkain para sa siyam na apektadong mga barangay ng Mariveles, sa lalawigan ng Bataan, na sumasailalim sa 14-day localized lockdown, mula nitong 12 Setyembre at magtatapos sa 25 Setyembre.
Umabot sa 4,654 relief packs at 188 kahon ng sardinas ang nairepak upang ipamahagi sa mga barangay ng Maligaya, San Carlos, at Malaya.
Tinitiyak din ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan at bayan ng Mariveles na makatatanggap ng tulong ang siyam na barangay.
Ayon kay Governor Abet Garcia, nagtala ng 549 kabuuang bilang ng mga positibo sa CoVid-19 ang Mariveles sa loob ng isang araw. Nagkaroon ng hawaan sa mga lugar ng hanapbuhay at maging sa mga barangay kung kaya isinailalim sa localized lockdown ang mga barangay ng Poblacion, Camaya, Maligaya, San Carlos, San Isidro , Sisiman, Balon Anito, Malaya, at Ipag.
“Ito po ang mga barangay na nakapagrehisto ng double digit active cases ng CoVid-19, habang ang barangay Poblacion ay nakapagtala ng three-digit active cases,” ani Governor Garcia.
Umapela si Garcia sa mga mamamayan na sundin ang mga alituntunin na nakasaad sa enhanced community quarantine (ECQ).
“Ang ECQ ay accurate, surgical, at immediate na hakbang upang mapigilan ang pagkahawa-hawa,” ayon kay Garcia. (RAUL SUSCANO)